Nagalit ang mga manonood ng in-upload na video sa social media noong Huwebes ng gabi na pinapakita ang isang Indones na domestic worker na hinahataw ng kaniyang cellphone ang kaniyang among Singaporean.

Nangyari umano ang insidente noong ika-8 ng Agosto sa Telok Blangah Crescent sa Singapore, kung saan ang 31-anyos na kasambahay ay pinakitang sinusubukang patahimikin ang matandang babae sa pamamagitan ng paghataw niya sa ulo nito, ayon sa ulat ni Lianhe Wanbao (Singapore).

Ang napadaan lamang na Filipina domestic worker na nagngangalang Jenny ay nahabag sa pangyayari kaya niya ito naisipang kunan ng video upang makarating ito sa mag-anak ng biktima.

Ang 55-second video ay na-view na ng mahigit sa 133,000 beses, at nai-share na ng halos 2,400 beses dahil ini-upload ito sa All Singapore Stuff Facebook page ng dating amo ni Jenny.

Napag-alamang matapos itong i-post sa Facebook, nakarating ito sa 63-anyos na babaeng anak ng biktima, na ang apelyido’y Toh.

Ipinaalam niya sa Shin Min Daily News na ang kasambahay na nagngangalang Asril ay tinanggap noong Disyembre upang bantayan ang kaniyang ina, na mayroong dementia, at nawalan ng abilidad na makapagsalita noong siya’y na-stroke noong Nobyembre ng nakaraang taon.

Masipag at mabait ang tingin nila sa kasambahay sapagkat nagpakita ito ng mainam na pag-aalaga sa kaniyang ina, luhaang pagkasabi ni Toh. Dagdag pa niya’y wala silang ideya na magiging gayon ang kasambahay.

Ipinaalam na sa Singapore police, sa Ministry of Manpower at sa employment agency ang pangyayari. Tinanggal na sa trabaho ang kasambahay ng employment agency noong Sabado ng umaga at inaasahang pauuwiin na siya sa Indonesia.

Original: Video: Indonesian maid hits ailing Singaporean employer