Ang dalawang Filipinang kasambahay ay maaaring namatay sa kainitan ng panahon noong mga huling araw ng Hulyo at mga unang araw ng Agosto sa Hong Kong, ayon kay Labor Attaché Nida Romulo, na namumuno ng Philippine Overseas Labor Office.

Natagpuang patay ang dalawang babae sa palikuran sa tinutuluyan ng kanilang amo, ulat ng sunwebhk.com.

Sabi ng Welfare Officer na si Lorna Obedoza ng Overseas Workers Welfare Administration na ang unang biktima ay isang 62-anyos na tubong La Union. Naninirahan na ito sa Hong Kong noon pang 2007 at natagpuang patay sa isang bathtub sa loob ng bahay ng kanyang amo sa Mid-Levels sa Hong Kong Island noong ika-28 ng Hulyo.

Ang ikalawang biktima naman ay isang 54-anyos na tubong Ilocos, na nagtatrabaho na sa Hong Kong noon pang 2006. Natagpuan siyang patay noong kinaumagahan ng Biyernes. Nakita siya ng kanyang amo na nakahilata sa lapag ng kanilang palikuran sa Tseung Kwan O flat sa New Territories.

Gayunpaman, sabi ni Romulo, hindi pa nakukumpirma ng mga pulis na ang pagkamatay ng dalawa ay mayroong kinalaman sa init ng panahon. Pinaniniwalaang walang kahit anong chronic disease ang dalawa at pareho silang hinimatay sa banyo, ulat ng Hong Kong Economic Times.

Naniniwala ang mga pulis na nagkataon lamang na sabay nangyari ang dalawang insidente, dagdag pa nila’y parehas na nangyari ito nang gabi at sa loob pa ng pamamahay ng kanilang mga amo kung kailan at saan hindi gaanong kainit. Dahil rito, pinagdududahan na ng mga pulis ang panayam ng Philippine officials na ang pagkamatay ng mga babae ay mayroong kinalaman sa init ng panahon.

Ayon sa mga pulis, malalaman lamang ang tunay na kadahilanan ng pagkamatay ng dalawa pagkatapos ng autopsy.

Halos araw-araw nang nag-aabiso ang Hong Kong Observatory ng Very Hot Weather warning noong nakalipas pang dalawang buwan, na mayroong temperaturang aabot ng 33 degrees Celsius sa mga urban areas noong nakaraang linggo.

Samantala, dalawa pang Pinay ang isinugod sa ospital noong Martes matapos pagsamaan ng pakiramdam sa kanilang mga opisina sa Philippine Overseas Labor Office sa Mass Mutual Tower sa Wan Chai sa Hong Kong Island.

Ayon kay Romulo, na-diagnose ang dalawa ng high blood pressure at heat exhaustion.

Original: Police checking the cause of two maids dying in Hong Kong