Isang Filipinong domestic worker sa Dubai ang nanalo ng isang milyong dirhams (o mahigit sa PHP14.5M) sa isang raffle na inorganisa ng isang UAE-based foreign exchange company.

Si Gina Realuyo Soriano, na nagtatrabaho na sa UAE ng halos 10 taon, ay naging eligible na makilahok sa Al Ansari Exchange summer promotional raffle upang magkaroon ng pagkakataong manalo ng isang milyong dirhams matapos siyang magpadala ng pera sa kaniyang pamilya sa Pilipinas, iniulat ng Khaleej Times.

Sinabi ni Soriano sa Filipino Times na dati na siyang nakikilahok sa raffle at nagsumite na rin siya ng maraming entries noon. Ngayong taon, isang entry lamang ang sinumite niya, na nakapagbigay pa sa kaniya ng mas magandang sorpresa.

Ang domestic worker ang ikalawang Filipino na nanalo ng taunang raffle ng Al Ansari Exchange. Siya rin ang unang babaeng nakapanalo ng grand prize. Noong nakaraang taon, napanalunan rin ni Al Dizon Banzil ang kaparehong raffle.

Nang siya’y tinanong kung anong gagawin niya sa napanalunang salapi, sinabi ni Soriano na ipangsusuporta niya ito sa pag-aaral ng kaniyang mga anak, na ngayon ay mga nasa senior high school pa lamang.

Dagdag pa niya’y kahit na nanalo pa siya ng ganoong kalaking pera, ipagpapatuloy niya ang kaniyang pagtatrabaho bilang domestic worker para sa kaniyang 10 taon nang naging mga amo.

Original: Filipino domestic worker wins 1 million dirhams in raffle