Isang 28-anyos na Filipinang kasambahay sa Bishan, Singapore, na maswerteng nabuhay matapos mahulog sa ika-apat na palapag ng apartment noong Agosto, matapos ang wari’y pagtangkang pagpapakamatay nito, ay maaaring tanggalan ng trabaho ng kanyang amo.

Siya na ngayo’y naghihintay na lamang na makabalik ng Pilipinas para sa patuloy nitong pagpapagaling.

Ang tangkang pagpapakamatay ‘di umano ng Filipinang kasambahay, ay nangyari noong ika-5 ng Agosto, alas-9 ng umaga, sa Block 153 sa Bishan Street 13. Ang kasambahay, na kinilala lamang bilang Rachel, ay natagpuang nakahandusay, nanghihina at nanginginig ang mga kamay sa iniindang sakit, ayon sa ulat ng Shin Min Daily News.

Isang 70-anyos na retiradong residente ang nakakita sa kasambahay at tumawag ng saklolo. Dumating ang mga paramedics at dinala siya sa Tan Tock Seng Hospital, kung saan siya ay napag-alamang nabalian ng kanang binti at nakatamo ng mga galos sa kaniyang mga braso at leeg.

Patuloy pa rin ang pag-iimbestiga ng mga pulis.

Ayon sa isang pahayagan, noong Huwebes, sinabi ng kasamabahay, na ngayo’y nasa mabuti nang kalagayan, na maswerte siya at nabuhay pa siya, ngunit malungkot rin sapagkat hindi niya naaalala ang mga nangyari.

Hindi malinaw ang rason ng pagkahulog ng kasambahay sa apartment.

Dahil sa nangyari, maaari umanong tanggalan siya ng trabaho ng kanyang amo, kung saan halos isang taon na siyang namamasukan..

Napagbigay-alaman na sa Philippine embassy sa Singapore ang nangyari at maaaring pauwiin na sa Pilipinas ang Filipinang kasambahay para sa mga karagdagang pagpapagamot nito

Original: Maid may lose job after suicide bid in Singapore