Ang all-Filipino migrant workers na rock band na nakabase sa Dubai ay kinilala na ng isang malaking record label sa Pilipinas. Ang bandang “Gatilyo”, na ang ibig sabihin ay “trigger” sa Ingles, ay binubuo nina Mark Legaspi, David Ojeda, Axzell Florida, at Clyden Bonifacio at nabuo ito sa Dubai noong Setyembre ng 2015.

Lahat sila ay pare-parehong mga musikerong Filipino migrant workers, ayon sa ulat ng Gulf News. Sabi ni Legaspi, ang bokalista ng banda, halos imposibleng makilala ang kanilang banda ng isang record label sa Dubai.

“Napakahirap magkaroon ng exposure sa Dubai. Walang (record) label sa UAE, lalong-lalo na sa mga musikang tinutugtog namin”, sabi ni Legaspi.

Isa pang hamon sa banda ay ang kanilang mga full-time na trabaho. Si Ojeda, ang lead guitarist ng banda, ay nagtatrabaho sa isang video production. Ang kanilang drummer naman na si Florida, ay nagtatatrabaho bilang isang airbrush artist, at si Bonifacio, na bahista ng banda, ay nagtatrabaho sa isang opisina sa isang fashion retail company.

“Dahil lahat kami ay mayroong trabaho sa umaga, at naririto pa ang aming mga pamilya, hindi namin kakayaning tumugtog ng 24/7, di gaya noong kami’y nasa ‘Pinas pa”, sabi ni Bonifacio.

Gayunpaman, sa kabila ng kanilang pagiging abala at ng kanilang pagbabanat ng buto para sa kanilang mga pamilya sa ‘Pinas, kinilala ang banda ng Warner Music Philippines noong Nobyembre matapos silang magperform bilang front act ng Kjwan, isang sikat na Filipino rock band sa Dubai.

Ayon kay Legaspi, matapos ng concert, nakilala nila si Joel Ellorin, ang manager ng Kjwan, na nag-offer sa kanila ng recording contract. Pinirmahan naman ito ng banda at nagsagawa sila ng isang promo concert tour sa Manila noong Pebrero.

Noong Abril, ni-release nila ang kanilang ikalawang single at ngayon ay naghahanda na silang i-release ang kanilang pinakaunang album, na inaasahang lalabas sa Oktubre ngayong taon.

Original: Record label signs all-Filipino migrant worker rock band