Isang Indiano, akusado matapos umanong hipuan ang isang Filipinang tagalinis ng kanyang bahay sa Dubai.

Noong ika-3 ng Marso, tinanggap ng 45-anyos na Indiano ang Filipina, 35-anyos, na nagtatrabaho sa isang cleaning services company, upang maglinis ng kanyang bahay. Sabi ng lalaki, aabutin umano ng apat na oras ang trabaho, ayon sa ulat ng Khaleej Times.

Ayon sa Filipina, niyaya umano siya ng lalaki sa kanyang kwarto at humiling ito ng masahe dahil nananakit umano ang kanyang binti. Tinanggihan ito ng babae at sinabing ang kanyang trabaho ay ang paglilinis lamang. Maya-maya’y hinipuan umano siya ng lalaki sa kanyang balikat at likod.

Kinalaunan, niyaya na naman ng lalaki ang babae sa isa pang kwarto, kung saan tinangka niyang halikan ito. Nakatakas ang Filipina at agad niyang ipinaalam sa kanyang supervisor ang mga nangyari.

Pagkatapos isumbong ng supervisor ng Filipina ang insidente sa istasyon ng mga pulis ng Bur Dubai, inaresto na ng mga ito ang lalaki.

Noong Miyerkules sa Dubai Court of First Instance, inakusahan na ang lalaki ng sexual harassment. Ipagpapatuloy ang paglilitis sa ika-5 ng Setyembre.

Original: Man accused of sexually harassing Filipina cleaner in Dubai