Binalaan na ng gobyerno ng Pilipinas ang mga naghahanap ng trabaho ukol sa mga pekeng mga job offer sa Dubai na ipinakakalat ng mga ilegal na recruiter sa social media.

Noong Biyernes, naglabas na ng pahayag ang Department of Foreign Affairs (DFA) na nagsasabing dapat mag-ingat ang mga Filipino sa kanilang mga pinapasok na mga job opportunities umano sa Dubai, sapagkat maaari silang mapadpad sa Iraq o sa Syria.

Ayon kay Julius Torres, ang tagapangasiwa ng Philippine Embassy sa Baghdad, sinasabihan ang mga biktima na tanggapin ang mga trabaho sa Syria o Iraq, o kaya naman ay magbayad na lamang ng US$3,000 (o mahigit sa PHP 160,000) upang makauwi sa Pilipinas.

Inilabas ang pahayag matapos nilang mapag-alaman ang siyam na Filipinang nabiktima ng human trafficking patungong Iraq matapos silang alukin ng mga pekeng trabaho sa Dubai.

Pinaalalahanan na ng DFA ang mga Filipino na nais magtrabaho sa abroad na tingnan at suriin muna ang mga job offer sa Philippine Overseas Employment Agency, o kaya naman ay sa Department of Labor and Employment.

Wala ring mga lehitimong mga trabaho ang maaaring pasukan sa Iraq sapagkat ipinatutupad pa rin ng gobyerno ng Pilipinas ang deployment ban na inilatag pa noong 2014 at sa ngayo’y hindi pa rin tinatanggal.

Original: Govt warns Filipinos of fake job offers in Dubai