Isang Filipina na pinangakuan ng trabaho bilang domestic worker sa Lebanong ay napilitang maging prostitute pagkarating niya sa Lebanon.

Si Cecile Tubadan, 32-anyos, ay ni-recruit ng kapatid na babae ng kaniyang live-in partner na si Myrene Salvador Abuan na magtrabaho bilang isang domestic worker sa Lebanon. Sinabi ni Tubadan na mukha namang katiwa-tiwala si Abuan kaya niya tinanggap ang trabaho at nagtungo sa Lebanon sa pamamagitan ng tourist visa, iniulat ng Khaleej Times.

Sinabi ni Tubadan na siya’y inalok ng pasahod na US$400 kada buwan at tinanggap niya ang trabaho upang masuportahan ang kaniyang apat na anak. Noong ika-19 ng Hulyo, lumipad si Tubadan ng Lebanon, ngunit wala siyang kahit anong work documents o kahit man lang kontrata.

“Wala akong kontrata, walang work document, ngunit nagtungo pa rin ako ng Lebanon dahil nagtiwala ako kay Myrene”, sinabi ni Tubadan.

Nang siya’y nakarating ng Lebanon, sinabihan si Tubadan na siya’y magtatrabaho para sa asawa ni Abuan, na si Hashim Ali, hanggang makahanap sila ng amo para sa kaniya. Gayunpaman, sinabi ni Ali na magtrabaho siya bilang prostitute na magpapanggap bilang masahista sa isang spa.

Noong ika-11 ng Setyembre, nagawang makatakas ni Tubadan mula sa bahay ni Ali at tumakbo sa Philippine Embassy. Pinagsabihan ng embassy ang recruitment agency ni Tubadan na ibalik na ang mga travel documents nito at bigyan ito ng ticket sa eroplano pabalik ng Pilipinas kung ‘di dadalhin nila ang kaso nito sa gobyerno ng Lebanon.

Pumayag ang agency, ngunit pinapirma si Tubadan ng isang kasunduan na hindi siya magsasampa ng kaso laban sa agency. Noong ika-13 ng Setyembre, lumipad na pabalik ng Manila si Tubadan.

Original: Filipina forced into prostitution after arriving in Lebanon