Isinayaw ng kararating pa lamang na OFW ang kaniyang anak sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos niyang hindi makadalo sa debut nito dahil sa delayed na flight.

Halos 20 taon nang nagtatrabaho sa Kuwait ang manggagawang si Noel Limon. Nakatakda siyang bumiyahe pauwi ng Pilipinas noong ika-18 ng Agosto para sa 18th birthday ng kaniyang anak. Ngunit dahil sa ‘di inaasahang pangyayari, isinara ang runway ng NAIA dahil sa aberya ng Xiamen Airlines, iniulat ng GMA News.

Tradisiyon na sa Pilipinas na ipagdiwang ang ika-18 kaarawan ng isang nagdadalagang Filipina. Kasama sa tradisiyong ito ay ang pagsayaw ng dalaga kasama ang kaniyang ama.

Nang makalapag na si Limon sa Manila, sinurpresa siya ng kaniyang anak na si Lindsay sa airport suot ang gown na gamit niya sa kaniyang debut. Sinabi ni Lindsay na gusto niyang matupad ang pagsayaw kasama ang kaniyang ama upang makumpleto ang kaniyang “dream debut.”

Ini-upload ni Lindsay sa Facebook ang video nilang mag-ama at naging viral ito. Makikita sa video na naging emosyonal si Limon nang makita niya ang kaniyang anak. Nagyakapan at nagsayaw ang mag-ama sa gitna ng airport.

Ayon sa ina ni Lindsay na si Christine, ginusto ng kaniyang anak na suotin ang gown upang makita ito ng kaniyang ama habang sinusundo nila ito sa airport. Sinabi ni Lindsay na hindi niya inaasahang magiging viral ang video dahil ang post na iyon ay para lamang sa kaniyang ama.

Original: Migrant worker dances with debutante daughter in airport