Sinampahan ng reklamo ang Filipinong domestic worker noong Huwebes ng pagnanakaw at pakikipagtalik sa isang lalaki sa loob ng villa ng kaniyang amo sa Dubai.

Ang 32-anyos na babae, na namamasukan na sa kaniyang among Emirati ng anim na taon, ay pinapasok umano ang isang Filipinong lalaki at ang Indianong driver sa loob ng villa habang wala ang kaniyang amo rito, iniulat ng Khaleej Times.

Nang napag-alaman ng amo mula sa isang kamag-anak na ang Filipina ay naga-upload ng kaniyang mga litrato na kasama ang mga lalaki sa loob ng villa, nag-install ito ng mga security camera at nahuli ang domestic worker na hinahayaang pumasok ang dalawang lalaki sa loob ng villa.

Kinompronta ng amo ang Filipina, na umamin rin namang dinala niya ang Filipino sa loob ng villa at nakipagtalik rito. Nakikipagrelasiyon rin ito sa driver na Indiano, na hindi rin maaaring pumasok ng villa.

Umamin rin siya sa pagnanakaw ng diamanteng singsing na nagkakahalaga ng 5,000 dirhams (o mahigit sa PHP73,000) na sinuot niya sa isa sa mga litrato. Mga ilang araw na ring ‘di mahanap ng asawa ng kaniyang amo ang singsing.

Noong Huwebes sa Dubai Court of First Instance, sinampahan ng reklamo ang domestic worker ng pagnanakaw, samantalang ang driver naman ay sinampahan ng trespassing. Parehong sinampahan ang dalawa ng reklamong pakikipagtalik nang hindi kasal.

Sa Dubai, mahigpit na ipinagbabawal ang pakikipagtalik nang hindi kasal. Ang mga lalabag ay maaaring makulong, pagmultahin o kaya naman ay mapaalis ng bansa.

Original: Maid charged with stealing, having sex in employer’s house