Nakulong ang Filipinong domestic worker sa Dubai ng tatlong buwan sa pakikipagtalik sa kaniyang kasintahan sa bahay ng kaniyang among Emirati. Noong Hunyo, ang 32-anyos na Filipina ay naaresto at sinampahan ng reklamo matapos makita ng kaniyang amo na nag-post ito ng kaniyang mga litrato online na silang dalawa ng kaniyang nobyo ay nasa loob ng bahay ng kaniyang amo sa Al Qusais, iniulat ng The National.

Nag-install ang amo, isang 74-anyos na retiradong sundalo, ng mga security camera sa kaniyang bahay upang makakuha ng ebidensiya na nagpapapasok nga ang domestic worker ng ibang tao sa loob ng kaniyang bahay.

Na-record ng amo ang footage ng domestic worker at ng kaniyang kasintahan sa loob ng kaniyang sala at inakusahan rin niya ito ng pagnanakaw ng singsing na dating pagmamay-ari ng kaniyang misis.

“Tiningnan ko ang Facebook account niya at nakita ko ang mga litrato. Sa ilan sa mga ito ay may kasama siyang lalaki sa loob ng sala ko. Sa isa naman ay suot-suot niya ang kamakailan lang na nawawalang mamahaling singsing ng misis ko”, ang sabi ng amo.

Nagsampa ng reklamo ang amo sa pulisya, at agad ring naaresto ang Filipina. Sa Dubai Criminal Court, siya’y sinentensiyahan ng tatlong buwang pagkakakulong at made-deport matapos ng kaniyang termino sa kulungan. Ayon sa mga pulis, hindi nila nakilala ang kasintahan ng domestic worker.

Original: Domestic worker jailed for having sex in employer’s home