Patay sa pamamaril ang isang OFW matapos niya ‘di umanong saksakin at patayin ang kaniyang manager, at sinugatan ang ilan ng kaniyang mga katrabaho sa Saudi Arabia noong hapon ng Miyerkules.

Ayon sa mga balita, nakipagsagutan ang Filipino sa kaniyang katrabahong Pakistani at sinaksak niya ito. Matapos nito ay sinaksak rin niya at pinatay ang kaniyang Saudi Arabian na manager, sinabi ng Department of Foreign Affairs sa isang pahayag.

Sugatan ang ilang mga katrabaho niya matapos siyang subukang pigilan ng mga ito. Ayon sa DFA, nangyari ang insidente sa Farasan Island, na 50 kilometro ang layo mula sa dalampasigan ng timog ng bayan ng Jizan.

Sinabi ni Consul General Edgar Badajos na ang security personnel ng Saudi Electric Company, kung saan nagtatrabaho ang Filipino, ay agad na rumesponde sa insidente at binaril at napatay ang lalaki.

Sinabi ni Badajos na naglabas na ng team ang Philippine Consulate sa Jizan upang makakalap pa ng impormasyon ukol sa insidente at tulungang maiuwi na sa Pilipinas ang bangkay ng Filipino.

Ang pagkakakilanlan ng Filipino ay hindi pa isinisiwalat dahil hinihintay pa ang permiso ng kaniyang mga kamag-anak para rito.

Original: Filipino shot dead after stabbing manager in Saudi